May mga panahon na tayo ay nanilay-nilay sa mga pangyayari sa ating buhay
Lalo na sa mga pagkakataong ang puso ay nalulumbay
Ako ay humayo papalayo sa aking lupang sinilangan
Upang makalimutan ang mapait na karanasan bunga ng karahasan
Ako ay muling nag-aral upang makipagpaligsahan
Sa daloy ng magulong syudad
Na aking hinahangad
Nang ikaw ay nakilala bunsod sa isang pangangailangan
Na kailangan kong magampanan
Oo, kailangan ko ng kapareha
Para sa isang misa
Nang tayo ay naglakad sa gitna ng bulwagan
Sabi nila ang kisig mo raw, para akong naglakad sa ilalim ng buwan
Nauwi sa mabuting kapalagayan
At tayo’y naging magkasintahan
Na nauwi sa isang kasalan
Ang ating tuwa ay walang mapagsidlan
Binigyan tayo ng limang supling
Na lagi kong nakakapiling
Dumating ang panahon
Sa dapithapon
Sa tuwing ikaw ay aalis
Ako ay tumatangis
Puso koy nalulumbay, nalulungkot
Parang isang bangungot
Dahil sa mga Eba na sadyang mapang-akit
Aba, ang mga mata mo ay biglang lumagkit?
Di ko na isinaalang-alang
Ang iyong mga kasinungalingan
Dahil mahal kita
Kaya di ko nakita
Pilit pa ring naniniwala
Kahit ito’y unti-unti na ring nawawala
Dumating ang panahon
ikaw ay umahon
Sa dagat na lagi mong kapiling
Ngunit iba na ang nakapiling
Sampung taon ang nakalipas
Damdamin ay nag-uumalpas
Puso ay nagdalamhati
Sa sobrang pighati
Ako ay umaasa,
bigyan ng pag-asa
Ngunit sadyang kay lupit ng tadhana
Hindi alintana
Kahit puso koy nasasaktan
Pilit pa ring makamtan
Ang salitang sanay namutawi sa iyong mga labi
Sa iyong kaarawan
Larawan ay pinagmasdan
Nanghihinayang
Sana, sana ay ipinaglalaban
Ang ating pag-iibigan…
*****________*****
Nagmamahal,
@Sarimanok