





Bubuksan ko ulit ang aking pintuan
Papapasukin kita
Sa muli'y bibigyan ko ng pagkakataong sumilip ang liwanag ng umagang kay ganda
Isa-isa kong bubuksan ang mga tabing ng bintana
At dahan-dahan, sasalubungin ko ang naghalong init at lamig ng hanging iyong dala-dala
Sa muli'y magkukwento ako
Sa muli'y bubuksan ko ang aking aklat
Ibabahagi ko sa'yo ang bawat pahina
Ang lahat ng mga pahinang nagdaan na
At kung iyong mamarapatin, Isa-isa nating babalikan ang mga pahinang lumipas
Ang mga pahinang tila napag-iwanan na ng panahon
Ang mga pahinang minabuti nating iwan noon
Ang mga pahinang pilit na tinupi, sinilid, itinago't inilihim sa mundo
Ang mga pahinang takot na takot tayong makasalubong sa mga pamilyar na kanto
Ang mga pahinang nawawala, susubukan nating hanapin
Sabay natin silang hahanapin
Ang mga pahinang may parteng kulang, nagkulang
susubukan nating punan dugtungan. 💕
Binuksan ko na ulit ang aking pintuan
Pinapasok na kita
Sa muli'y binigyan ko ng pagkakataong sumilip ang liwanag ng umagang kay ganda
Isa-isa kong binuksan ang mga tabing ng bintana
At dahan-dahan, sinalubong ang naghalong init at lamig ng hanging iyong dala-dala
Sa muli'y nagkwento ako
Sa muli'y binuksan ko ang aking aklat
Ibinahagi ko na sa'yo ang bawat pahina
Ang lahat ng mga pahinang nagdaan na
At isa-isa nating binalikan ang mga pahinang lumipas na
Ang mga pahinang tila napag-iwanan na ng panahon
Ang mga pahinang minabuti nating iwan noon
Ang mga pahinang pilit na tinupi, sinilid, itinago't inilihim sa mundo
Ang mga pahinang takot na takot tayong makasalubong sa mga pamilyar na kanto
Ang mga pahinang nawala,
hinayaan na nating tangayin ng hangin
Sabay natin silang tinalikuran
Di na babalikan kailanman
Ang mga pahinang may parteng kulang, nagkulang
Hindi na natin susubukang punan,
dugtungan
Magsisimula tayo
Nagsimula na tayo
Panginoon, sana di na matapos 'to ❤️
This is one poem with two versions. The first and the original one was written when I first knew this guy that taught me how love should look like, although not perfect but certainly better than all the love that passed. The 2nd version was an edited one. I edited it when I finally said yes to this man.