
Hindi ko lubos maisip na nagsimula lang ako sa pagtipa ng mga kakaunting mga pangungusap sa isang plataporma, at ngayon ay narito na sa isang malawak na komunidad kung saan ay niyayakap na ng marami ang kahit anong uri ng pagsusulat. Rito sa Hive, madali kong naramdaman na bahagi ako ng komunidad, na hindi ako "isang baguhan" lang.
Noong aking mga unang araw, ang una kong impresyon ay baka hindi ako magtagal. Ganoon naman talaga diba? Sa una lang masaya, sa una lang masarap. Pero nagbago ang lahat noong mabigayan ako ng tyansa na makasali sa isang Discord Server kung saan kapwa ko mga Pinoy ang naroon. Pasensya na kung hindi ako ganoon ka-aktibo, pero gusto kong magpasalamat kay @cthings na siyang nag alok sa akin na sumali rito. At hindi lang iyon, mas lalong nadagdagan ang pagnanasa kong maging aktibo sa Hive dahil narito din ang ilang mga birtuwal kong kaibigan na tumulong sa akin upang mas lalong bigyan pansin ang platapormang Hive. Lubos akong nagpapasalamat sa aking mga kaibigan, @ruffatotmeee na laging nariyan upang sagutin ang mga katanungan ko sa lahat ng bagay. Sa totoo lang ay isa siya sa mga tunay na iniidolo ko sa kung saan saan. Di pa kita nakikita sa personal ngunit alam ko talaga na isa ka sa mga mapagkumbabang mga tao na nakilala ko. Pinasasalamatan ko rin ang ilang mga taong tumutugon sa mga katanungan ko noong ako'y marami pang hindi nalalaman sa komunidad na ito. Kila @eunoia101, @ayane-chan, ate @jane1289 at @dennnmarc , maraming maraming salamat sainyo.
Habang ako'y tumatagal rito, marami akong bagay na lubos na nao-obserbahan sa ilang mga estrangherong nakikilala at nakakausap ko.
Lahat sila ay handang gumabay at tumulong.

Karamihan sa mga nakikita kong blog ay nag bibigay ng impormasyon. Dahil rito, mas naigiging interaktibo ang mga mambabasa. Ang ibang artikulo naman ay naghahayag ng kanilang mga damdamin at ang nakakatuwa rito, makikita mo na ang mga nagkokomento ay lubos na nagpapakita ng simpatya at pakikiramay.
Isa lang ang napagtanto ko.
Ang mga komunidad sa platapormang ito ay ginawa upang magkaroon ng mas maayos na interaksyon sa pagitan ng iba ibang mga tao. Kung ikaw ay isang ina, naghahanap ng mga makakausap na kapwa mo ina na alam mong makatutulong sa iyo, nariyan ang @ladiesofhive at ang @motherhood. Kung naghahanap ka naman ng komunidad na makatutulong sayo sa aspetong pisikal o emosyonal, narito ang komunidad ng @exhaust. At kung gusto mo naman na isang open na komunidad na para sa mga Pinoy, yayakapin ka ng @hiveph. Ilan lamang ito sa mga komunidad na nagugustuhan kong bisitahin maya't maya. Kung napapaisip ka pa rin kung bakit, maiintindihan mo rin ako pag nagsimula ka ng mag sulat at makipag interak sa mga taong naroon.
Kaya kung ako'y inyong tatanungin, paano ba ako makakapag bigay ng kontribusyon sa Hive?
Sa aking palagay ay sisimulan ko ito sa pag bibigay ng tamang impormasyon tungkol sa kung ano bang meron sa loob nito. Aminin natin, ang mentalidad ng ibang pinoy ay sumali lang sa mga plataporma dahil unang impresyon nila ay madali lang makakuha ng datung. Kung sabagay ay ganito rin naman talaga ang gusto natin lahat. Ngunit sa aking palagay ay mas mabuting magbigay ng tamang impormasyon sa iba upang mas higit nilang maintindihan kung ano nga ba ang komunidad na ito. Para sa akin kasi, mas nagiging maganda ang isang site kung ang mga gumagamit nito ay hindi abusado. Kung ganoon saan tayo magsisimula?
Isa lang yan kapatid, simulan mo sa sarili mo. Ipasa mo sa iba ang nalalaman mo, siguraduhin mong tama at naintindihan nilang mabuti. Nakatitiyak ka bang pag sumali sila ay gagamitin nila ng maayos ang Hive? Kung isa ka sa mga taong nakatulong sa ibang tao upang malaman ang Hive at ngayon ay gaya mo na rin, gumaganda ang reputasyon at nakakakuha ng maayos na benepisyo mula sa pagsusulat, binabati kita. Ipagpatuloy mo ang pagtulong sa kapwa gaya ng pagtulong ng iba saiyo noong nagsisimula ka pa lang.
At sa huli, matuto kang magpasalamat sa mga taong ito, huwag makalimot sa mga bagay na itinulong at ibinigay saiyo at matuto rin tayong magbalik sa mga komunidad ng walang halong panghihinayang.

Muli, nagpapasalamat ako sa @hiveph sa pag -anyaya sa amin na gumawa ng ganitong ka-interaktibong blog. Ito ang aking entry para sa pangalawang linggo ng "Buwan ng Wika" na idinaraos tuwing Agosto ng taon.
