Paano ba ang mag-move on? Marami na akong nabasa at napanood na pelikula tungkol sa kung paano makakabangon pagkatapos mong masaktan. Pero paano kung ikaw yung nanakit? Kung ikaw yung nang-iwan? Kung ikaw yung kontrabida sa mga librong nalathala at sa mga pelikulang ipinalabas?
Pinagkuhanan
Ako si @romeskie at narito ang aking kwento.
Nagkaroon ako ng kasintahan noon at nagtagal kami ng siyam na taon. Akala ko kami na hanggang sa huli. Pero nagkamali ako. Masaya naman ang relasyon namin. Gaya ng mga normal na relasyon, may pag aaway, may tampuhan, may tawanan, may kulitan. Pero may kulang. Bukod pa doon ay may mga pangyayari sa aming nakaraan na naglagay ng lamat sa aming pagsasama. Pakiramdam ko ay ipinipilit ko na lang na ituloy ang relasyon dahil una, matagal na kami at sanay na kami sa isa't isa; at pangalawa, natatakot akong mag-isa.
Hanggang sa nakilala ko ang lalaking napangasawa ko. Sinadya siguro ng pagkakataon, ng panahon, o ng tadhana na magkakilala kami noon. At kahit hindi ko naman pinlanong makatagpo siya, nahulog ang loob ko sa kanya. Kay guwapo ba naman niya at kay bait pa. Masipag at malambing. Masungit pero kaya niya pa rin naman akong patawanin. Nahahati na ang puso ko.
Kinailangan kong mamili. Walang ipinapangakong kasiguruhan noon itong bago ko lang kakikilala pero parang wala rin namang patutunguhan itong dati ko nang kasama. Naisip ko noon, gusto ko na lang din kumawala. Gusto ko na lang din na maging malaya.
Pinili ko ang maging masaya. Iniwanan ko ang dati kong nobyo at nakipagsapalaran. Buti na lang din naman at ginawa ko iyon dahil nagkatuluyan naman kami at hanggang ngayon ay magkasama.
Pero bawat kaligayahan ay may katapat din na kabayaran. Noong mga unang taon naming magkasintahan, inuusig ako ng aking konsiyensiya. Napapatanong din ako kung tama ba ang aking ginawa. Nakapanakit ako ng damdamin. Itinapon ko ang ilang taon na pinagsamahan namin. Gustuhin ko man maging masaya ay hindi lubos ang aking ligaya.
Kaya naisip ko, kailangan ko rin mag-move on. Mas mahirap lang, kasi ako ang tampulan ng galit dahil ako ang may sala. Ako ang mali. Ako ang nangaliwa. Ako ang nang-iwan. Ako ang hindi nakuntento. Ako ang naghanap ng iba. Ako. Ako. Ako! At wala akong nahanap na tulong. Dahil lahat ng mga kaibigan namin, aminin man nila o hindi, kampi sa dati kong kasintahan. At nauunawaan ko sila. Kasi nga alam niyo na. Ako kasi ang nagkasala.
Kaya naman, kahit hindi ko naman talaga inisip na magkalalistahan ako ng ganito, nakabuo ako ng mga pointers kung paano mag-move on kung ikaw ang nakapanakit, nang-iwan at naghanap ng iba.
Tanggapin mo sa sarili mo na mali ang ginawa mo.
Hindi kailanman magiging tama ang manakit ka ng kapwa. Kahit ano pa mang dahilan ang mayroon ka, hindi ka magkakaroon ng lisensiya na magdulot ng kirot sa iba. Nagawa mo nang maging matapang noong pinili mo ang maging maligaya sa piling ng iba, ituloy tuloy mo na. Aminin mong mali ka. Naging napakahirap nito para sa akin dahil gusto kong palabasin na kaya ko lang iyon ginawa ay dahil din sa kanya. Pero naisip ko, wala rin namang punto.Patawarin mo ang iyong sarili.
Walang ibang makapag ibigay sayo ng pagpapalaya kundi ang sarili mo lang. Tanggapin mo na lahat ng tao ay nagkakamali. Hindi ka eksepsyon doon. Patawarin mo ang sarili mo nang walang pag-iimbot. Hindi mo kailangang idepensa ang ginawa mo kapag tinanong ka ng ibang tao. Hindi mo rin kailangang ipagtanggol ang sarili mo laban sa mga sarili mong multo. Magpatawad ka. Umpisahan mo sa sarili mo.Ilayo mo ang sarili mo sa mga makakapag-paalala sa iyo ng mali na ginawa mo.
Maswerte ako kasi yung dati ko nang kasintahan mismo ang nagblock sa akin sa facebook. Ganoon naman yata talaga. Nagmu-move on din siya eh. Pati ang mga kaibigan ko, nilayuan ko noon. Iisa lang kasi kami ng grupo ng kaibigan kaya mag-isa ko ring tinahak ang pag-ahon. Naisip ko, mas kailangan niya iyon. Ako naman ang mali kaya ako na lang ang magbibigay daan.Maging masaya ka.
Ikaw ang pumili ng destinasyon mo. Kaya ikaw din ang may kakayanang gawin itong makulay at masaya. Sa pagkakataong ito, totoo ang kasabihang ikaw ang pipili kung magiging masaya ka o hindi. Marami akong bagong natutuklasan aa bago kong nobyo. Parang nagsisisi na ako. Pero naisip ko, sinuong ko ito, kailangan kong lusutan ito. Bawat bagong relasyon ay may tinatawag na adjustment period. Mabutk na lamang at nalampasan naming dalawa iyon.Huwag ipilit kapag hindi pa pwede.
Ang tinutukoy ko ay ang pakikipagkaibigan sa dating kasintahan. Isang tanda na pareho na kayong okey ay kung kaya niyo nang harapin ang isa't isa nang walang tensiyon at gulo. Ang pakikipagkaibigan, gaya ng pag-ibig ay hindi maipipilit. Ilang taon din muna ang lumipas bago muling nabuo ang barkadahan. Ngayon, kaya na namin na magkakasama kami. Ako, ang asawa ko at ang dati kong nobyo. Magkalapit din silang dalawa. At oo nga pala, ninong siya ng anak ko. :-)
Madalas kapag may naghihiwalay, ang una naging kinakamusta ay yung naiwanan. Ganoon kasi ang nakasanayan. Kung sino ang nakawawa, doon tayo lahat kakampi. Pero hindi ito tungkol sa kung sino ang kinampihan at hindi. Tungkol ito sa pagtingin natin sa ibang anggulo sa bawat sitwasyon. Tungkol ito sa pagmulat ng ating mga mata. Hindi natin dapat basta na lang husgahan ang ating kapwa nang basta basta. Minsan, hindi rin naman nila kailangan ng payo o suporta. Ang kailangan lang nila ay makakasama. Ng isang kaibigan. Iyong makikita pa rin ang totoong sila. Kahit na nagsusumigaw ang pagkakamali nila.
At iyan ang aking kwentong pagmu-move on. Sana ay may napulot kayo bukod sa chismis sa buhay ko. Sinadya kong hindi magbigay ng mga pangalan para naman maprotektahan pa rin ang mga kinauukulan. ;)
Ito ang aking entrada sa patimpalak ng aking olodi na si Ate @jemzem.
Gagamitin ko na rin ang pagkakataon na ito para i-plug ang aking patimpalak. (Sana ay okay lang sa iyo ate Jemzem. Salamat po!!!)