Sa mga taong hilig magsulat, ang dumanas ng kabigoan ay tila isang biyaya — at sumpa.
Kasabay ng pagbaha ng luha sa mga mata'y bumubulosok din ang mga salitang naisusulat sa dati'y mga blankong pahina. Halos 'di masabayan ng mga kamay ang mga salita't pangungusap na namumuo sa isipan. Mga kamay na tila 'di alintana na limang oras na mula ng pinulot nito ang maalikabok na pluma at sinimulan ang paghilom sa sugat ng kahapon sa pamamagitan ng pagbuhos nito sa papel. Dahil sa pagsusulat, pagpinta, o paggawa nakahanap ng gamot sa sakit — nakahanap ng lugar kung saan pwedeng isuka ang mga ideyang nabuo matapos makainom ng alak, na kahit kay pait ay tinitiis para lamang malimutan saglit ang mas mapait na alaalang walang tigil ang takbo sa isipan.
Ito ang biyayang dala ng kabigoan. Mula sa pangit na karanasan ay nabubuo ang mga pinakamaganda at pinakamakabagbag damdaming tula’t kanta, at iba pang obra maestra.
Pero kadalasa'y sumpa sa imahinasyon ng isang makata ang kabigoan — pumipigil na makautal ng salita o makagawa ng tula. Napapalitan ang lahat ng luhang bumabaha.
Nakakalunod at nagpapalunod. Kesa labanan ang rumaragasang sakit mas madali minsan ang bumitaw at magpa-anod.
Masakit, nakakalungkot, nakakabanas ang makaranas ng kabigoan at kasawian.
Di lang makata ang nakakaramdam ng biyaya't sumpang ito. Pati ang mga pinakabatikan sa kanikanilang larangan o kahit pa musmos na bata'y nabibigo't nasasaktan.
Pero di makakailang sadyang parte na ito ng buhay — ang sakit. Nagpapaalala itong tayo'y buhay, na kahit hindi perpekto ang mundong ating kinagagalawan at hindi patas ang gulong ng ating mga buhay, tayo'y humihinga at sa bawat paghinga tayo ay darama.
Nakakalunod man minsan ang mga emosyong dala ng kabigoan, ang pagkapit ang tangi nating magagawa. Kahit na tila wala namang makakapitan, maniwala ka lamang na ang Diyos Amang Maylikha ay siguradong maglalaan ng magsasalba sa’yo mula sa baha ng kalungkutang nadarama mo.
Pero kahit na ito ang natural na takbo ng buhay, kung sumpa o biyaya ang mabigo't masaktan ay 'di ko pa rin talaga mahinuha.
Eh ikaw ba? Ang kabigoan ba’y biyaya o sumpa?