Pinapatunog niya ang mga panukli na nasa bulsa. Sa bawat kalansing nito, animo'y hinuhulaan niya ang bilang ng mga naipong barya. Makailang beses niyang tinipon ang perang papel. Binilang at isinuksok. Wala pang dalawangdaan ang nabilang niya. Kapag naiinip siya at walang ginagawa, bibilangin muli niya at ibabalik sa pagkakasuksok.
Pinapanood lamang niya ang mga nagdaraang tao... Paroo't parito. Hindi masumpungan ng mga mata kung sino ang lalapit para bumili. At sa dami ng iba't-ibang mukha na nakikita niya sa araw-araw, hindi na niya mapagtanto kung sino ang palaging bumibili.
Muli niyang hinablot ang mga perang papel na nakatago sa bulsa. Ininspeksyon kung tunay ba ito. Inilawan mula sa sinag ng araw. Wari ba'y inaalam kung peke ang mga iyon. Kinusot-kusot, binasa ang mga nakasulat. Ultimo ang nakaguhit na mga imahe ay hindi pinaligtas ng masuring paningin.
Sa sumunod na minuto ay natulala na siya. naglalakbay ang kanyang diwa. Naiisip niya kung ano ang mabibili sa halagang isangdaan at apatnapu't dalawang piso. Hindi makakasapat iyon sa pangkain ng mister niya at tatlong anak. Pamasahe pa lang pauwi ng Malanday ay kakapusin na siya. Sa Baclaran siya nagtitinda at umuuwi sa Valenzuela. Wala siyang ma-i-angal dahil dito siya pinayagan ng gobyerno na magtinda.
Bumalik sa alaala niya kung paano siya nakaranas ng kalupitan. Dati siyang nagtitinda sa EDSA sa may bandang Monumento. Itinaob ng MMDA ang kaniyang lamesa dahil nakaharang daw sa bangketa. Parte ng clearing operation ng MMDA kaya kailangang paalisin at itaboy ang mga nagtitinda sa bangketa.
Hindi man lang nagbigay ng warning. Bigla na lang sinuyod ang kahabaan ng EDSA. Pinagsisipa at itinaob ang mga lamesa at payong na naka-setup sa bangketa. Ang mga tapayan ng palamig ay bumuhos sa kalasada. Kumalat din ang mga kakanin na nakasalansan sa maliit na bilao. Tumilapon ang mga piraso ng kendi at garapon na pinaglalagyan ng mga kaha ng sigarilyo. Isa-isa niyang dinampot lahat ng paninda. Iniyakan pa niya ang palamig na sana ay mabebenta sa halagang syento singkwenta pesos. Ngunit wala na siya magagawa kundi lisanin ang lugar na iyon.
Naalala pa niya ang mga naging suki. Ang mga empleyado sa katabing gusali na namamakyaw ng banana cue at palamig niya. Ang mga sumasakay ng MRT na bumibili muna ng yosi sa kanya. Ang mga sasakay naman ng bus na umuubos sa kendi na naka-display. Nakabuo siya ng tinatawag niyang relasyon sa mga suki na palaging tumatangkilik sa mga paninda niya.
Hindi rin niya makakalimutan ang mga nagbibigay ng maliit na tip. Barya man na maituturing pero sa kanya ay malaking halaga na iyon. Ang madalas niyang marinig na keep the change sa mga empleyado ang nagpapaguhit ng malaking ngiti sa kanyang labi. Hindi man siya nakakaintindi ng wikang ingles pero ang salitang iyon lamang ang nauunawaan niya at nagbibigay kagalakan sa kanya.
Pasado alas siyete na pala ng gabi. Mabilis na umandar ang oras kasabay ng pag-andar ng kanyang imahinasyon. Ang pangarap niyang mabilhan man lamang ng bagong tsinelas ang anak, ang maipagluto ng ulam na may sabaw ang asawa, at ang makaupo man lang sa bus na sasakyan pauwi sa kanila. Kababawan man iyon para sa karamihan pero para sa kanya ay pangarap na iyon. Kaligayahan na niya ang maibigay ang mga iyon sa kanyang pamilya.
Sapagkat sila ay salat. Namumuhay nang hindi alam kung may aabutan bang nakahain sa mesa. Maswerte na sa kanya ang makakain ng dalawang beses sa isang araw. Alam na niya kung ano ang daratnan pag-uwi ng bahay... nilagang saging na saba na pinitas ng panganay na anak sa may kakahuyan. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, ito ang madalas pagsaluhan ng mag-anak. Napakadalang na makakain sila ng kanin. At hindi pangkaraniwan sa kanila ang magkaroon ng ulam.
Napakarami niyang alalahanin sa ngayon. Magaan pa dati ang pamumuhay nila noong nakakapagtrabaho pa ang kanyang asawa sa construction. Nabaldado ito nang gumuho ang scaffolding at dumagan sa likod ng asawa. Ang sweldo mula sa pagko-construction ay nauwi lamang sa pagpapagamot sa asawa. Bagamat inabutan sila ng tulong pinansyal at medisina ng may-ari ng kumpanya, hindi na maibabalik pa ang lakas at pangangatawan ng asawa. Mag-isa niyang pinasan ang responsibilidad at naghanap ng pagkakakitaan. Ito lang ang alam niya, ang magtinda at magpaikot ng paninda.
Alas diyes na ng gabi. Wala na ang naglalakad na mga tao. Madalang na din ang mga dumaraang sasakyan. Oras na para gumayak siya pauwi sa kanila. Ililigpit muna niya ang mga paninda at sasakay ng ordinaryong bus papuntang Malanday. Sa huling pagkakataon, binilang niya ang napagbentahan. Tatlong daan at apatnapu't-dalawang piso. Nadagdagan ng dalawang daan ang kinita niya kanina. May ngiti na gumuhit sa kaniyang labi. Makalampas lang ng tatlong daan ang benta niya ay masaya na siyang uuwi ng bahay.
Hindi pa man siya tapos magligpit ay may lumapit sa kanya na lalake. Matangkad, matipuno ang katawan, nakasuot ng maong na pantalon, t-shirt at leather jacket. Hindi niya maaninag ang mukha dahil nakasuot ito ng sumbrero at madilim na sa pwesto niya. Gustong bumili ng yosi ng lalake.
Binuksan ng lalake ang garapon at kumuha ng tatlong stick na puti. Ibinulsa ang nakuhang tatlong stick. Muling dumukot sa bulsa ang lalake. Inabutan siya ng papel, limangdaang piso iyon. Wala siyang panukli kaya nagtanong siya sa lalake kung may mas maliit na halaga itong dala. Wala din daw. Wala na ang mga katabi niyang tindera para makapagpabarya siya. Bruskong kumilos ang lalake, hinablot ang limangdaan. Kumaripas ito ng takbo tangay ang tatlong stick ng sigarilyo.
Dala ng katandaan, mabagal na ang kanyang pagtakbo. Simbilis ng kidlat na tinakbuhan siya ng lalake. Pero pursigido siya na mahabol ang magnanakaw. Kahit hapo na at hingal sa pananakbo, tuloy pa rin siya. Pagdating sa sumunod na kanto ay bumulaga sa kanya ang isang nakasisilaw na liwanag at nakakabinging busina ng truck ng semento. Itinakip niya ang mga kamay sa mata na animo'y takot sa pagkakasilaw. Saglit lamang nangyari ang lahat at kinuha na siya ng liwanag.
Maaliwalas ang umaga sa pagsikat ng araw. Payapa siyang nakahiga sa gitna ng kalsada at doon na nagpalipas ng gabi. Inabutan na siya ng umaga sa kanyang kumportableng pagkakahiga. Balot ng dyaryo ang buong katawan na siyang tumatakip sa kanya mula ulo hanggang paa. Pinagkaguluhan siya ng mga tao. May ilang kumukuha ng larawan, may mga bulung-bulungan at may mga wangwang ng pulis at ambulansiya.
Masaya siya ngayong umagang ito. Sapagkat hindi na muli siyang magtitinda sa bangketa. Hindi na siya magtitiis sa mainit na sikat ng araw at sa mahapding init ng tanghali. Hindi na rin niya aalalahanin pa ang mga anak at asawa. Hindi na niya iisipin kung saan kukuha ng panggastos at kung sasapat ba ang kita niya sa pagtitinda. Maluwag ang kalooban niya ngayong umagang ito dahil wala na siyang mabigat na pasanin.
Kinapa ng inspektor ang kanyang bulsa. Naghahanap ng ID o anumang dokumento ng pagkakakilanlan sa kaniya. Wala siyang dalang ganun. Ang tanging nakuha lamang sa kanya ng inspektor ay perang papel at iilang barya. Binilang ng inspektor ang nakuhang pera. Tatlong daan at apatnapu't dalawa ang kabuuan. Walang labis, walang kulang. Pero kahit anong gawing pagpaplano ng budget sa tatlong daan at apatnapu't dalawang pisong iyon ay hindi makakasapat pampalibing sa kanya.
Ang larawan ay mula kay @rojellyannsotto na malayang ipinagamit sa inyong lingkod. Naisipan kong gawan ng kwento ang mga nakikita kong street vendors. Maliit na halaga lamang ang kanilang kinikita at minsan ay ginugulangan pa ng mga mapagsamantalang mamimili. Maraming beses na rin ako nakapakinig ng mga balita na may napagtripan at napatay na mga tindero sa bangketa. Lubha akong naaawa sa sinasapit nila at sa sasapitin ng kanilang pamilya kaya naisipan ko na gawan sila ng maikling kwento upang kahit papaano ay maipahayag ang kanilang saloobin.