Nakakaubos ng enerhiya. Nakakaubos ng pasensiya. Nakakaubos ng paniniwala. Nakakablangko ng damdamin. Nakakapagod.
Naramdaman mo na ba yung ganoong pakiramdam? Naranasan mo bang mapasabi ka na ayaw mo na? Na ito na ang dulo ng iyong pisi. Na pagod ka na. Na kahit gusto mong umiyak ay walang luhang pumapatak. Marahil sila mismo ay pagod na sa pagtangis. Hindi ka sigurado kung bakit umaatras ang mga luha. Dahil ba sa libong patak na ang nasayang para sa parehong kadahilanan, o dahil ba sa sobrang bigat ng iyong pinapasan, ayaw nilang ikaw ay lalo pang pasakitan, o dahil sa sangkaterbang isipin, hindi nila alam kung alin doon ang dapat nilang tangisan.
Pati ang pagpapaalpas ng bigat ng damdamin ay tila isang pagsubok na kay hirap lusutan. Parang exam na nakalimutan mong pag-aralan. Iisa lamang ang tanong. Bakit?
Bakit ka malungkot? Bakit mabigat ang iyong kalooban. Bakit gusto mong manahimik na lamang? Bakit pagkatapos ng lahat ng ito ay uulit ka rin lang naman bukas? Bakit hindi pwedeng tapusin na lang? Bakit paulut ulit? Bakit? Ngayon, habang iniisa-isa mo ang mga tanong, bakit naninikip ang iyong dibdib?
Huminga ka nang malalim. Isa pa. Hayaan mong pumatak ang mga butil butil ng luhang bahagyang nangilid sa iyong mga mata nang dahil sa sunod-sunod na batikos na iyong nadarama. Batikos na wala namang ibang may gawa kundi ikaw lamang. Mga alalahaning patuloy na dumarami nang dumarami dahil takot kang bitawan at iwan sa panalangin at pag-asa kahit paisa-isa. Mga mabibigat na negatibong saloobin na maaari mo namang palampasin, kalimutan at patawarin pero mas gusto mong kimkimin, ipunin at palaguin.
Ganyan nga. Tumingin ka sa malayo. Tumigil. Oo. Pwede kang huminto. Pwede ka rin namang magpakalayo. Magtago. May karapatan kang mapagod. Mainis. Magalit. Manibugho. Malungkot. Tumangis at yumuko. Pero huwag mong kalimutang bumalik. Magsimulang muli. Sumubok. Umulit. Hindi ka naman bayani. Isa kang normal na tao.
Nakararamdam ng pagod. Nakararamdam ng kakulangan ng atensyon. Ng kawalan ng pagpapahalaga. At minsan pa, parang mali lahat ng iyong ginagawa. Pero huwag kang mag-alala. Hindi ka nag-iisa.
Kaya tama iyan. Tumingin sa malayo. Huminga ng malalim. At bumalik sa kung ano man ang iyong ginagawa. Makaramdam ka man ng pagod, ng bigat. Bumitaw pansumandali. Magpapahinga, pero hindi susuko. Magagalit, pero magpapatawad. Iiyak, pero papahiran ang luha at malaon ay papalitan ng ngiti. Aalis pero para lamang magpahangin at linawin ang isipan. Para sa pagbabalik ay may bago ka nang lakas na panghahawakan.
Lalabanan ang negatibo gamit ang positibo. Dahil sa buhay na ito na punong puno ng pagsubok at pasanin, hindi ka nag-iisa. May karamay ka. Kayang kaya natin yan! Laban lang!
Pagyamanin ang kakayanan sa pagsusulat ng tagalog na akda. Sundan si @tagalogtrail at makigulo sa Tambayan
Sundan din ang @steemph.manila at tayo ay magkulitan sa Discord
